Suspek sa investment scam, pinatungan ng ₱2-M reward

Itinaas na sa ₱2 million ang reward para sa magbibigay ng impormasyon sa agarang pag-aresto sa isang Wong Chun Yin, alias David Wong na pinaghahanap ngayon ng mga otoridad dahil sa kasong syndicated estafa.

Ang nasabing reward ay binanggit ng mga abogado ni Valerie Gaisano – Sebastian sa isang liham na ipinadala kay National Bureau of Investigation (NBI) Officer-in-Charge Eric B. Distor.

Ang nasabing reward ay itinaas ng kampo ng Gaisano matapos ang impormasyon na si Wong ay nagtatago ngayon sa Taiwan.


Kumpiyansa naman sa NBI ang pamilya Gaisano na lalo pang pag-iibayuhin ng mga ahente ang paghahanap sa suspek, lalo pa’t kasama si Wong sa listahan ng Red Notice ng INTERPOL.

Si Wong Chun Yin, alias David Wong, ay sangkot sa bilyon-bilyong investment scam gamit ang kumpanya nitong DW Capital Incorporated.

Bukod kay David Wong, sangkot din sa kaso sina Derwin Wong, Derick Wong, Diane Wong, Davidson Wong, Lucy Chua, Juvy Ting, Susan Lu, Beverly Ansay, at Leonardo Marsan.

Bagama’t nagtatago sa batas si David Wong, nagawa pa nitong humiling sa korte na ilipat sa Makati City ang kanyang kasong kinakaharap mula sa Cebu RTC na mariing tinutulan ng biktimang si Gaisano Sebastian.

Facebook Comments