*Cauayan City, Isabela- *Nakatakdang makipag-ugnayan ngayong araw sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela si Vina Rose Santiago na pangunahing suspek sa pagpatay sa Assistant Branch Manager ng isang kumpanya sa bayan ng Roxas na si kay Kristine Diego.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay NBI Isabela Provincial Director Timoteo Rejano, handa umanong harapin ni Santiago ang kanyang kaso at inaasahan na magbibigay ito ng kanyang statement kaugnay sa kinasasangkutang krimen.
Bagamat nakapagsampa na ng kasong Murder ang PNP Roxas laban kay Santiago ay patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa naturang insidente.
Ayon pa kay PD Rejano, disidido ang pamilya ng biktima na isailalim sa autopsy ang bangkay nito dahil na rin sa mga nakitang pasa sa katawan.
Umaasa naman ang NBI Isabela na sa mas lalong madaling panahon ay malutas na ang nasabing kaso.
Magugunita na noong Pebrero 28, 2019 sa Brgy Bantug, Roxas, Isabela ay natagpuan na lamang sa loob ng opisina ang katawan ni Kristine Diego na tadtad ng mga saksak na sanhi ng kanyang pagkamatay.