Suspek sa pagpatay sa dalagang isinilid sa sako, ‘nanlaban’ kaya napatay ng pulisya

Courtesy South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council

Nasawi sa hot pursuit operation sa Isulan, Sultan Kudarat ang itinuturong suspek sa pagpaslang sa dalagitang natagpuang nakasilid sa sako, Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Police Lt. Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 12, pumalag at nanlaban umano si Richard Romo Gumilid, 31, nang imbitahan ng operatiba sa kanilang himpilan.

Aniya, nadiskubre daw ng mga pulis na may dalang granada ang salarin at sinubukan umanong tanggalin ang pin nito.


“Noong nakita ng tropa natin na tatanggalin na ang pin sa granada doon na nagkaroon ng shooting incident. Dinala pa siya sa ospital ng ating mga kasamahan,” pahayag ni Capellan sa isang local news channel.

Batay sa imbestigasyon ng awtoridad, sinundo umano ni Gumilid sa eskuwelahan ang biktima bago pa ito nawala noong Disyembre 2. Kasintahan daw ng nanay ng bata ang napaslang na suspek.

“May mga text messages din tayong nabasa doon sa mga kaklase ng biktima na nagsasabing susunduin siya ng Tito niya referring to the suspect,” saad pa ng spokesperson.

Subalit mariing itinanggi ng kapatid ni Gumilid ang akusasyong ito ang pumatay sa 16-anyos na babae.

Paglilinaw ng kaanak ng hinihinalang suspek, kuya niya ang tumulong sa paghahanap sa dalagita at hindi ito umalis ng bahay noong araw na mawala ang biktima.

Hindi rin umano totoo ang sinabi ng mga pulis na may bitbit na granada ang nakatatandang kapatid.

Nakatali ang kamay at nakasuot pa ng uniporme nang makita ang bangkay ng babae sa isang irrigation canal sa Barangay Punong Grande, Banga, South Cotabato noong Miyerkoles ng hapon.

Facebook Comments