Cauayan City, Isabela-Arestado ang isa sa dalawang suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa Lower Magat at itinuturing na Top 6 Most Wanted Person ng Region 2 matapos ang isinagawang operasyon ng Nueva Vizcaya Police sa Novaliches, Quezon City noong July 9, 2021.
Batay sa ulat ng Nueva Vizcaya Police Office, nakilala ang akusado na si Gemmalyn Mayo, 34-anyos, may-asawa at residente ng P. Paterno St., Villa Carmen Veronica Village, Brgy. Santa Lucia, Novaliches, Quezon City.
Si Mayo ay naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Diadi Police,1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, Kayapa Police Station, Regional Intelligence Unit 2 (RIU2), Nueva Vizcaya Provincial Intelligence Unit (NVPIU), Sub-Station 5 QCPD at 142nd SAC 14th SAB PNP SAF sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Cicero B Jandoc, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 28, Second Judicial Region sa Bayombong, Nueva Vizcaya noong November 13, 2019 para sa kasong Murder o pagpatay at walang piyansang nakalaan para sa pansamantala niyang paglaya.
Batay sa imbestigasyon, taong Enero 2019 ng mangyari ang nasabing pagpatay sa biktima na kinilalang si Eugenio Turingan, residente ng Cauayan City, Isabela kung saan ay natagpuan itong duguan sa labas ng kanyang tinuluyang booth sa Lower Magat, Eco Tourism Park, Diadi, Nueva Vizcaya.
Ayon sa nakalap na impormasyon, nagkaroon umano ng relasyon ang biktima sa suspek kung saan ay gusto ng tapusin ng suspek ang namamagitan sa kanilang dalawa ngunit dahil sa patuloy na pagpupumilit nito sa kanya ay ginamit ng suspek ang bago nitong karelasyon na isang Security Guard sa nasabing lugar ng pinangyarihan at doon pinagplanuhan ang pagpatay.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Diadi Police Station ang naarestong suspek para sa kaukulang disposisyon habang ang isa pa nitong kasamahan ay patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.