Pinuri ng Philippine Government ang desisyon ng Kuwaiti court na hatulan ng parusang kamatayan ang suspek sa likod ng pagkamatay ng Filipina domestic worker na si Jeanelyn Villavende.
Ang hatol ng korte ay kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa kanyang Twitter account.
Sa kanyang tweet, nagpapasalamat si Locsin sa Kuwait at sa Criminal Court na siyang nagbaba ng hatol.
Aniya, ang desisyon ng korte ay naging patas at naaayon sa batas at maging sa Sharia Law.
Napatunayan lamang na pinagmalupitan ng Kuwaiti employer si Villavende ng ilang araw at ikinulong sa kanyang kwarto hanggang sa mamatay ito.
Sinabi rin ni Locsin na ‘walang hanggan’ na tatanaw ng utang na loob ang Pilipinas sa Kuwaiti Ambassador sa bansa.
Dagdag pa ng kalihim na isa itong tunay na diplomasiya.
Si Villavende ay namatay noong December 28, 2019 sa kamay ng kanyang employer.
Lumabas sa mga awtopsiya na nakaranas ng torture at sexual abuse ang Pinay domestic worker.
Ang kanyang pagkamatay ay nagpwersa sa pamahalaan na magpatupad ng deployment ban sa Kuwait sa loob ng isang buwan.
Una na rin kinondena ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpatay kay Villavende at nanawagan ng maximum penalty sa mga nasa likod ng krimen.