Suspek sa pamamaril sa tindero ng pares-mami, arestado

Alexander Ogdamina. Suspek sa panghoholdap at pamamaril sa isang pares vendor sa Tondo, Manila.

Naaresto na nitong Miyerkules ng gabi ang suspek sa panghoholdap at pamamaril sa isang tindero ng pares-mami sa Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Kinilala ni Maj. Rosalino Ibay, hepe Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team ang suspek na si Alexander Ogdamina, 36, walang trabaho, at residente sa parehong lugar.

Martes ng madaling araw nang holdapin at barilin ng suspek na kilala rin sa alyas na “Kalbo” ang biktimang si Samson Bautista na pauwi na.


(BASAHIN: HULI SA CCTV: Tindero ng pares-mami hinoldap, binaril)

Nakuhanan pa sa CCTV na tumanggi ang biktima na ibigay ang slingbag na naglalaman ng kinita niya sa pagtitinda hanggang sa paputukan na ng suspek.

Nagtamo ng tama sa leeg at kritikal pa rin ang lagay ni Bautista sa ospital.

Bagaman humingi ng paumanhin sa mga kaanak ng biktima, sinabi ni Ogdamina na dapat ay sumuko na lamang ang mga makakaengkwentro ng gaya niyang holdaper dahil tinototoo raw nila ang kanilang banta.

“Baka akala kasi nila sa mga tulad namin, akala nila nagbibiro kami. ‘Di kami nagbibiro. Pag sinabi namin, ginagawa namin ‘yon,” aniya.

Iginiit niyang kung binigay lamang ni Bautista ang pera ay hindi siya mamamaril.

“Hindi naman kailangan manguha ng buhay. Nakita niyo naman sa CCTV, kung binigay naman sakin ‘yon, hindi ko papaputukan,” dagdag pa niya.

Umamin din ang suspek sa paggamit ng iligal na droga, ngunit itinangging ginagamit pambili ang nakaw na pera.

Samantala, pinasalamatan ni Manila Mayor Isko Moreno na personal ding nagtungo sa presinto, ang mga barangay officials sa pakikipagtulungan na madakip ang suspek.

Facebook Comments