Suspek sa Pananambang sa DCOP ng PNP Peñablanca, Arestado na

Cauayan City, Isabela-Naaresto na ang suspek sa nangyaring pananambang sa Deputy Chief of Police ng PNP Peñablanca at kanyang mga tauhan habang nagsasagawa ng anti-illegal logging operation kagabi sa Sitio Dalayat, Brgy. Minanga, Lagum Area.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay PLTCOL. Andree Abella, tagapagsalita ng Police Regional Office 2, nakilala ang suspek na si Ernest Sabbaluca.

Aniya, hindi pa natatanggal ang bala na tumama sa ibabang likurang bahagi ng katawan ni Baccay kung kaya’t hirap pa rin para sa biktima ang kanyang sinapit mula sa suspek.


Sa hiwalay na pahayag ni PLT. Baccay, natagpuan nila ang abandonadong mga kahoy na nasa 2,000 board ft. at ng magawang ipaanod sa tubig ang piraso ng kahoy at doon na pinaulanan ng putok ng baril ang tropa ni Baccay.

Samantala, personal na iginawad ni PRO2 Regional Director PBGen. Crizaldo Nieves ang ‘Medalya ng Sugatang Magiting’ kay Baccay matapos ang insidente ng pananambang sa kanila.

Ayon kay Gen. Nieves, kilalang illegal logger ang suspek dahil may dati na rin itong kinaharap na kaso noong nakaraang taon makaraan itong maaresto subalit nakapagpiyansa lang.

Babala naman ng heneral sa mga gagawa ng iligal na pamumutol ng kahoy na titiyakin nyang mapapanagot sa batas ang mga ito lalo pa aniya na sya ang nakaposisyon ngayon sa pangrehiyong tanggapan ng pulisya.
Nasa kustodiya na ngayon ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ng pulisya.

Facebook Comments