Mandaluyong City – Arestado ang apat na suspek sa ‘pasalo scheme’ o modus operandi sa mga nagka-car loan sa isang condominium sa Mandaluyong City.
Kinilala ang mga suspek na sina Joemark Norico, kapatid niyang si Jessie, girlfriend na si Charlene Navalta, at kaibigang Ezekiel Cornejo.
Target ng pasalo-modus ang mga gustong magbenta ng sasakyan pero hindi pa kumpleto ang bayad sa bangko.
Ayon sa mga nag-reklamo, ibinigay sa kanila ng suspek na si Norico ang down payment ng sasakyan at nangakong babayaran ang balance sa monthly amortization sa loob lang ng 30 araw.
Pero hindi natupad ang kasunduan at ang mga nagbenta ng sasakyan pa rin ang tinatawagan ng bangko para bayaran ang buwanang hulog ng sasakyan.
Depensa naman ni norico, ahente lamang siya ng isang nagpakilalang abugado na kaniyang nakilala online.
Aniya, ang trabaho lang niya ay maghanap ng mga gustong magbenta ng sasakyan at itine-turn over niya ito sa kanya.
Kakasuhan si Norico at ang kanyang mga kasamahan ng carnapping at large scale estafa.