Suspek sa tangkang pagpatay sa isang tricycle driver sa Pasay City, tinutigis na

Manila, Philippines – Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang 27-anyos na lalaki matapos masangkot sa tangkang pagpatay sa isang tricycle driver sa lungsod ng Pasay.

Ang suspek ay kinilala ng Pasay City Police Station na si Alvin dela Cruz, walang trabaho, at nakatira sa D. Reyes St., Brgy. 110, Zone 12 .

Ang biktima naman ay nakilalang si Alfred Sta. Ana, 32-anyos, at nakatira sa Tramo St., Brgy.60, Zone 70.


Batay sa salaysay ng biktima, binabagtas niya ang kahabaan ng Tramo St. at pagsapit ng Inofel St. ay bigla na lang siyang hinarang ni dela Cruz, tinutukan ng baril at mabilis na kinalabit ang gatilyo ng hindi mabatid na uri ng armas.

Himala namang hindi pumutok ang baril kaya’t mabilis itong tumakas sa hinalang may anting-anting ang biktima at mula noon ay hindi na nakita pa ang suspek sa nasabing lugar.

Ayon sa testigong si Ricardo Sta. Ana, bago ang insidente ay may pinagtatalunan ang dalawa na nauwi sa suntukan dahilan upang gumanti ang suspek.

Iniimbestigahan pa rin naman ng mga awtoridad ang naturang insidente.

Facebook Comments