Malabong maging ‘state witness’ sa murder case ng radio broadcaster na si Percy Lapid si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag.
Matatandaang sinabi ng kapatid ni Percy na si Roy Mabasa na posible nilang ituring na ‘state witness’ si Bantag kung may ituturo pa itong ibang mastermind o ibang sangkot sa kaso ng pagpatay sa kanyang kapatid.
Sa panayam sa Senado, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na isang “wishful thinking” ang nais ng pamilya Mabasa na gawing testigo si Bantag.
Malayo aniyang ituring si Bantag na ‘state witness’ dahil dapat ito ang ‘least guilty’ sa mga itinuturing na suspek sa krimen.
Natanong din ng media si Remulla kung alam ba niya ang kinaroroonan ni Bantag at ng iba pang akusado sa pagpaslang kay Percy.
Tugon ng kalihim, maraming nagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Bantag at kumpyansa silang naririto pa rin ito sa bansa.