Manila, Philippines – Ipinag-utos ni Labor Secretary Silvestre Bello III ngayon ang pagsuspinde sa deployment ng mga manggagawa sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng pitong overseas Filipino workers sa nasabing bansa.
Sa bisa ng Administrative Oder No. 25, inatasan ni Bello ang Philippine Overseas Employment Administration o POEA na pansamantalang itigil ang pagpoproseso at paglalabas ng Overseas Employment Certificates o OEC sa lahat ng manggagawa na tutungo sa Kuwait habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon kaugnay sa dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipinong manggagawa.
Hindi naman kasama o exempted sa kautusan ang mga manggagawa na naisyuhan o mayroon ng OEC.
Paliwanag ni Bello ginagawa umano nila ito upang maprotektahan ang kapakanan ng mga OFW sa ibang bansa.
Matatandaan na napabalitang pitong Pilipinong manggagawa ang namatay sa Kuwait at sila ay sina Liezl Truz Hukdong, Vanessa Karissha L. Esguerra, Marie Fe Saliling Librada, Arlene Castillo Manzano, Devine Riche Encarnacion, Patrick Sunga, at Mira Luna Juntilla.
Lahat ng mga nakilalang Pilipinong migrant worker ay mga household services worker, at karamihan sa kanila ay na-deploy noong 2016.
Inilabas ang naturang kautusan kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng Overseas Filipino Bank noong Huwebes, na magtakda ng total ban sa pagpapadala ng mga Overseas Filipino Workers, partikular sa mga household workers sa Kuwait dahil sa mga ulat ng sexual abuse.