Pinagtibay ng Korte Suprema ang suspensyon ng mga session nito mula November 5 hanggang 22 dahil sa 2022 Bar Examinations.
Ito ay bunga ng deployment ng maraming court staff at personnel at physical resources ng korte sa iba’t ibang local testing centers para sa Bar Exams.
Kaugnay nito, inaprubahan din ng En Banc ang pagsasara sa Nobyembre 9 at 16 ng SC, Collegiate Courts, first at second-level courts sa Metro Manila at iba pang lungsod kung saan matatagpuan ang local testing sites.
Ayon sa Korte Suprema, ito ay upang maituon ng lahat ng mga tauhan ng hudikatura ang oras at trabaho nito sa paghahanda at pagsasagawa ng Bar Exams.
Una nang sumulat si Justice at 2022 Bar Chair Alfredo Benjamin Caguioa sa SC para hilingin na suspendihin ang sesyon nito at isara pansamantala ang mga korte sa mga nabanggit na petsa.
Gaganapin ang computerized at localized Bar Exams sa November 9, 13, 16, at 20 sa 14 na lugar sa bansa.