Suspension Order laban kay Mayor Meneses, Inaasahan ng Kampo ni Almendral

Cauayan City, Isabela-Umaasa ang kampo ni Barangay Kagawad Beltran Almendral na mailalabas ang preventive suspension order laban kay Mayor Nieverose Meneses ng Nagtipunan, Quirino.

 

Ito ay makaraang sampahan ng sinuspindeng Tourism Officer ng LGU ng kasong Grave Abuse of Authority o labis na paggamit ng kapangyarihan habang nasa pwesto.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Brgy. Kagawad Beltran Almendral, isa sa mga kritiko ng kasalukuyang administrasyong Meneses, isa umano sa basehan ng pagsasampa ng kaso laban sa alkalde ay ang pamamalagi ng kanyang ina bilang Municipal Administrator habang Executive Assistant naman ang kanyang ama na dati ring namuno bilang punong-bayan.


Inakusahan din ni Almendral na base sa Salary Grade (SG) ay tumatanggap ng SG 24 ang kanyang ama, mas mataas ng halos P50,000 kumpara sa SG 17 na halos P38,000 lamang.

Kaugnay nito, base umano sa Guidelines ng Sangguniang Panlalawigan ang indibidwal na inakusahan ay pansamantalang sinuspinde sa kanyang tungkulin habang dinidinig ang kaso laban sa kanya.

Sa darating na Mayo 12, muling tatalakayin ang kasong isinampa laban kay Mayor Meneses.

Nagpatutsada naman si Almendral sa pilit na sumisira sa kanyang personalidad na lumaban ng patas.

Samantala, makikipag-ugnayan naman ang iFM news team kay Mayor Meneses hinggil sa isyu.

Facebook Comments