Kasunod ito ng pagpapalabas ng Temporary Restraining Order o TRO ng Korte Suprema sa lahat ng mga lugar na nagpatupad nito na kung saan kabilang ang Lungsod ng Cauayan na kauna-unahang nag-implementa sa buong rehiyon dos.
Kasama sa nilalaman ng TRO ang pagpapatigil ng pagpapataw at pangongolekta ng multa habang umiiral ito.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Mayor Jaycee Dy Jr., bagamat sumasang-ayon ito sa naging desisyon ng Supreme Court ay hindi pa rin naman titigil ang lokal na pamahalaan ng Cauayan sa pagpapatupad ng mga batas trapiko para iwas sa mga aksidente.
Malaking tulong aniya ang NCAP sa pag-prevent ng mga vehicular accidents lalo na sa gabi at sa mga accident prone areas at katulungan din ito ng mga law enforcers sa paghuli sa mga traffic violators.
Isa rin kasi aniya sa layunin ng NCAP kung bakit ito ipinatupad ay para matiyak ang kaligtasan ng bawat motorista dahil kung lahat aniya ay dumaan sa tamang proseso sa pagkuha ng driver’s license ay alam ang speed limit o tamang bilis ng pagpapatakbo sa kalsada.
Ayon pa sa alkalde, hindi aniya nito akalain na magkakaroon ng isyu hinggil sa NCAP dahil malaking tulong naman ito para sa ikabubuti ng mamamayan subalit wala na rin aniya itong magagawa kundi sumunod na lamang sa desisyon ng pamahalaan.
Gayunman ay pinapayuhan pa rin ang lahat ng mga nagmamaneho na sumunod pa rin sa batas trapiko at huwag magpatakbo ng mabilis para iwas sa mga disgrasya.
Samantala, inabisuhan ang lahat ng mga naisyuhan ng notice of violations sa NCAP na magtungo lamang sa tanggapan ng POSD para maiayos ang natanggap na ticket kaugnay sa naitalang paglabag.