Suspensyon sa mahigit 100 opisyal ng NFA, isang malaking hamon ngayon sa DA

Isang malaking hamon ngayon para sa Department of Agriculture o DA ang preventive suspension na ipinataw ng Office of the Ombudsman sa 139 na mga opisyal at kawani ng National Food Authority o NFA.

Sinabi ito ni DA Usec. Asis Perez sa pagdinig ng House Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga ukol sa “bigas scam” o pagbenta ng NFA ng 75,000 sako ng imbak na bigas sa ilang traders nang walang bidding at sa presyong agrabyado ang gobyerno.

Ayon kay Usec. Perez, nababahala ngayon ang DA kung paano patatakbuhin ang operasyon ng NFA lalo’t nalalapit na ang panahon ng anihan habang nagpapatuloy rin ang epekto ng El Niño phenomenon.


Gayunpaman, sinabi ni Perez na kahit hindi sapat ang mga tao sa ground ay sinisikap nilang magpatuloy ng maayos ang trabaho ng DA at NFA para sa layuning matiyak ang sapat na supply ng bigas at pagkain sa bansa.

Binanggit din ni Perez na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang DA at ang magiging resulta nito ay kanilang ipapaalam sa House of Representatives at sa Office of the Ombudsman.

Facebook Comments