Suspensyon sa Travel Tax at 3-day holiday, hiniling ng mga airlines sa Kamara

Hiniling ng Air Carriers Association of the Philippines (ACAP) na suspendihin ang travel tax at magpatupad ng 3-day holidays sa bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni Atty. Roberto Lim ng ACAP na dapat suspendihin na muna ang travel tax at magpatupad ng 3-day holiday upang mapalakas ang local o domestic tourism ng bansa.

Reklamo ng ACAP, malaki na ang negatibong epekto ng COVID-19 sa turismo ng bansa dahil halos 28 flights sa China at sa mga special administrative regions ang kanselado kada linggo o mahigit dalawang libo na flights o 293 na pasahero na ang apektado mula Pebrero hanggang Marso.


Aabot naman sa P10 Billion na ang nawawalang kita sa mga airlines.

Inihirit din ng ACAP na i-exempt na sa 14 days quarantine ang mga airline crew dahil nababawasan na ang mga tauhan ng mga airlines.

Paliwanag ni Lim, lalo namang pinaigting ng mga airline companies ang kanilang disinfection protocol para matiyak na protektado ang mga pasahero at mga crew sa COVID-19.

Mahigpit din aniya ang screening sa mga pasahero kung saan may hepa filter sa airlines at sa eroplano na ginagamit sa pag-screen at pag-purify sa hangin na efficient na pumapatay ng 99.9% na bacteria.

Pero, nagdadalawang isip naman ang Department of Health (DOH) sa hiling na alisin sa 14-days quarantine ang mga airline crew dahil hindi pa naman agad lumalabas ang sintomas ng isang taong nahawaan na ng COVID-19.

Facebook Comments