Basilan – Anim na buwang pinasususpinde ng Office of the Ombudsman ang bise alkalde ng Lamitan City, Basilan.
Kaugnay ito ng pagbibigay ng kontrata ni Vice Mayor Roderick Furigay sa dalawang kumpanyang pagmamay-ari ng kanyang kamag-anak.
Taong 2012 nang aprubahan ni Furigay ang mahigit kalahating milyong bayad sa HHH Developer and Real Estate Inc. para mag-supply ng mga construction materials na ginamit sa pagpapagawa ng Kulay-Bato Boat Landing Project.
Gayundin ng P175,000 na bayad naman sa Furigay College Inc. para sa limang araw na scuba diving course sa ilalim ng geographical protection and awareness program ng siyudad.
Ayon sa Ombudsman, bigo ang bise alkalde na ipaliwanag ang pagpili niya sa dalawang kumpanya na umano’y kwestiyonable at pwedeng mag-ugat ng korapsyon.
Bukod kay Furigay, pinasususpinde rin sina dating Bids And Awards Committee Members Florence Herrera, Ignacio Enriquez, Olivia Ablao at Raquel Hibionada at si Acting City Accountant Nilo Sotto matapos silang mapatunayang guilty sa kasong simple misconduct.