Kung si Dr. Benito Atienza ng Philippine Medical Association ang tatanungin hinggil sa kwalipikasyon ng susunod na health secretary, sinabi nitong dapat malawak ang pang unawa at parating inuuna o isinusulong ang kalusugan ng mamamayan.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Dr. Atienza na ngayong humaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic dapat didinggin ng susunod na kalihim ng Department of Health (DOH) ang hinaing ng ating mga healthworkers na tinuturing na mga bagong bayani.
Nakasuporta sa pagbibigay sa mga ito ng benepisyo at iba pang insentibo.
Dapat din aniyang naipapadala sa gobyerno ang sentimyento ng ating mga kababayan lalo na ngayong nagpapatuloy ang implementasyon ng Universal Health Care law.
Aniya dapat mapaigting ang healthcare facilities sa bansa at magtutuloy sa pagbabakuna laban sa virus.
Giit pa ni Dr. Atienza, dapat down to earth at tulad ng idol ng kakarami sa health sector na si dating Health Sec. Juan Flavier ang susunod na DOH Sec.
Sa ngayon may ilang pangalan na ang lumulutang kung sino ang susunod na kalihim ng DOH pero hindi pa ito kinukumpirma ng papasok na Marcos Administration.