Nababahala ang ilang kongresista sa posibleng power crisis na kaharapin ng bansa sa pagtatapos ng termino ng susunod na presidente.
Ito’y bunsod aniya ng panggigipit ng China sa development ng Sampaguita gas discovery.
Ayon kay House Strategic Intelligence Committee Chairman Johnny Pimentel, pagsapit ng 2027 ay inaasahang mauubos na ang suplay ng Malampaya deep water gas field at kung hindi magagamit ang fuel reserve ng Sampaguita gas ay malalagay sa alanganin ang suplay ng kuryente sa Luzon.
Dagdag pa nito na kung mawalan ng suplay ng kuryente ang Luzon ay hindi malayo na maapektuhan din ang Visayas at Mindanao.
Noong nakaraang buwan nang ipahinto ng Department of Energy (DOE) ang exploration activities ng private operators sa Sampaguita gas dahil sa pananakot ng China.
Batay sa pagtaya, nasa 3.5 hanggang 4.6 trillion cubic feet ng gas ang nilalaman ng Sampaguita.
Mistula aniyang hostage ng China ang Sampaguita gas gayong ito ay nakapaloob naman sa exclusive economic zone ng bansa.