Susunod na Senate President, hindi dapat pala-absent – SP Sotto

Tumanggi si outgoing Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magbigay ng pangalan ng senador na sa tingin niya ay pwedeng pumalit sa kanya bilang pinuno ng liderato ng senado.

Gayunpaman, nagbigay si Sotto ng mga katangiang dapat hanapin sa susunod na Senate President.

Kabilang aniya rito ang pagkakaroon ng malawak na kaalaman sa rules and procedures, marunong makipag-usap at makinig sa mga kasama at higit sa lahat hindi pala-absent sa senado.


“Kailangan yung Senate President, dapat e medyo master niya ‘yung rules and procedures, parliamentary rules pagkatapos e ika nga’y hindi naa-absent. Kasi yun yung nabu-buwiset kami noong araw noong ako’y karaniwang senador,” ani Sotto.

“At saka dapat alam kung paano patatakbuhin ang senador, laging nandun, at saka ika nga’y marunong mag-concensus, dapat e hindi dictatorial, kinakausap ang mga kasama, lahat dapat, pareho nung ginagawa ko. Majority, minority sakin pare-pareho silang senador e. Kahit number 1 o number 12 ka, pare-pareho lang sweldo niyo,” dagdag niya.

Samantala, ngayong tapos na ang termino bilang senador, plano umano ni Sotto na asikasuhin ang napabayaan niyang recording studio at trabaho sa noontime show na “Eat Bulaga” habang nagpapahinga rin kasama ang kanyang pamilya.

Si Sotto ay pumapangatlo sa vice presidential race na nakakuha ng mahigit walong milyong boto.

Facebook Comments