Swab test sa mga paliparan, hindi na required sa mga arriving passenger

Hindi na kailangang sumailalim sa RT-PCR test ang mga biyaherong dadating sa Pilipinas pagkalapag nila sa paliparan.

Ayon kay Testing Czar Vince Dizon, agad silang idadala sa quarantine site kung saan doon sila isasailalim sa COVID-19 test pagkatapos ng limang araw.

Ang mga arriving passengers ay required na mag-book ng quarantine facility o hotel room sa loob ng pitong araw.


“Hindi na po tayo magswa-swab pagdating ng ating mga kababayan at mga ibang dumarating sa Pilipinas sa airport. Diretso po sila sa quarantine facility. Requirement po na magkaroon ng booking sa isang quarantine facility or hotel for 7 days bago po sila pumunta ng Pilipinas,” sabi ni Dizon.

Ang mga pasahero ay kukuha ng RT-PCR test sa ikalimang araw mula sa petsa ng kanilang pagdating sa bansa, maliban na lamang kung magpakita ng sintomas ang pasahero.

Ang mga pasaherong magnenegatibo ang resulta ay ieendorso sa kanilang Local Government Units (LGU) para doon sila i-monitor at itutuloy ang natitira ng kanilang 14-day quarantine.

Ang genome sequencing ay isasagawa ng Department of Health (DOH), University of the Philippines Genome Center at UP National Institute of Health.

Facebook Comments