Swill feeding, posibleng pinagmulan ng sakit na dumadapo sa mga alagang baboy

Naniniwala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na posibleng galing sa pinapakaing “kaning baboy” o swill feeding ang sakit na dumadapo ngayon at ikinamamatay ng mga alagang baboy.

Ayon kay Rosendo So, SINAG chairperson – ang kaning baboy ay halo-halong tirang pagkain kaya posibleng dito galing ang virus na tumama sa mga baboy.

Walang kasiguraduhang malinis o ligtas kainin ng mga alaga maski ang mga tirang pagkain galing sa mga hotel, restaurant, maging sa airlines.


Sinabi naman ni Department of Agriculture spokesperson Noel Reyes – mayroong kautusan ang ahensya nagbabawal sa pagpapakain sa mga baboy ng leftovers mula sa international at domestic airports at seaports upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit sa bansa.

Dahil hindi nakasaad sa memorandum order ang pagbabawal sa mga tirang pagkain sa hotel at restaurant, umaapela ang DA sa pamunuan ng mga industriya na huwag ibenta ang kanilang food waste at itapon ito sa pamamagitan ng kanilang solid waste management facility.

Facebook Comments