Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang synchronized expanded community testing sa bawat barangay sa lungsod, ngayong araw, July 28, 2020.
Ito’y upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga residente na tinamaan ng COVID-19.
Ayon kay Parañaque Mayor Edwin Olivarez, nasa 16 na barangay ang isasailalim sa synchronized expanded community testing mula Lunes hanggang Biyernes na magsisimula ng alas-9:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng umaga at ala-1:00 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon.
Dagdag pa ng alkalde, mangunguna sa synchronized expanded community testing ang City Health Office (CHO) kung saan sila ang magsasagawa ng swab at anti-body rapid testing.
Nasa 900 na indibidwal kada barangay ang i-a-accommodate para sa rapid test at ang magpopositibo dito ay sasailalim sa swab test.
Umaapela si Olivarez sa mga residente ng lungsod ng Parañaque na makiisa sa nasabing community testing na kanilang isasagawa para na rin malaman ang nahawaan ng virus at mapigilan ang paglaganap nito.
Base naman sa datos ng CHO, nasa 2,372 ang confirmed at 858 ang active cases.
Papalo naman sa 81 ang nasawi habang 1,433 ang nakarekober.