Taas-baba sa presyo ng produktong petrolyo, aasahan sa susunod na linggo ayon sa DOE

Magkakaroon muli ng paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Director Rodela Romero ng Oil Industry Bureau ng Department of Energy (DOE) na batay sa kanilang apat na araw na monitoring, lumalabas na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng gasolina sa susunod na linggo na ₱0.45 sentimo hanggang ₱1 kada litro.

Ang magandang balita naman ay magro-rollback sa presyo ng diesel na ₱0.60 hanggang ₱0.75 kada litro, at rollback din sa kerosene na ₱0.65 hanggang ₱0.75 kada litro.


Pero, sinabi ni Romero na maaari pa ring magbago ang mga numerong ito.

Ilan aniya sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo sa gasolina ay ang panahon ng winter sa ibang bansa, in-demand aniya maging ang Liquefied Petroleum Gas (LPG) dahil ito ay heating fuel na nagpapainit sa mga bansa sa northern hemisphere.

Bukod dito, nariyan pa rin aniya ang banta ng anunsyo ng pagbabawas ng production ng mga miyembro ng oil producing exporting countries.

Hindi pa rin aniya nareresolba ang geopolitical conflict sa Russia at Ukraine.

Sa mga produktong petrolyo naman na may pagbaba sa presyo, ang mga dahilan nito ay ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin para magdulot ng global inflation at kalaunan ay global recession.

Ayon kay Romero, kapag nagkaroon ng global recession ay malaki ang tsansa na bababa ang demand at kapag bumaba ang demand ay bababa rin ang presyo ng petrolyo.

Facebook Comments