Hiniling ni 1PACMAN Partylist Representative Eric Pineda ang pagpapatupad ng fare hike o taas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Bagama’t aminado si Pineda na “unpopular call” ang kanyang ginawa, ito lamang din ang isa sa mga nakikita niyang paraan upang matulungan ang mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers na makabangon matapos ang ilang buwan na walang hanapbuhay dahil sa ipinatupad na community quarantine.
Naniniwala ang kongresista na kailangang makagawa ng paraan para mabawi ang mga panahon na wala silang kita.
Iginiit ng kongresista na hindi naman pwedeng dagdagan pa ang mga pasahero habang babawasan ang physical distancing gayundin ay hindi rin ‘feasible’ ang mga ayuda dahil sa kakulangan sa budget ng pamahalaan.
Pinayuhan ni Pineda ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aralin ang pansamantalang pagtataas ng pamasahe at ibalanse ang hakbang na ito sa survival ng mga driver, at sa kita at gastos ng commuters.
Paglilinaw pa ng mambabatas, hindi naman kailangan na doblehin ang pamasahe bagkus ay magkaroon lamang ng risonableng dagdag para rito.