
Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakaambang taas-pasahe sa pampublikong transportasyon.
Ayon sa pangulo, hindi napapanahon ang fare hike habang patuloy ang krisis dulot ng tensyon sa Middle East na may epekto sa presyo ng langis.
Dahil dito, inatasan niya ang Department of Transportation (DOTr) na i-defer o ipagpaliban muna ang dagdag-pasahe upang hindi madagdagan ang pasanin ng mga commuter, manggagawa, at estudyante.
Tiniyak din ng pangulo na hindi pababayaan ang mga transport worker at dodoblehin ang suporta sa kanila.
Kasabay nito, inanunsyo ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng libreng sakay program sa buong bansa, habang ipapatupad din ang diskwento sa pamasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT), pati na rin sa ilang toll roads.
Iginiit ng pangulo na layunin ng pamahalaan na mapanatiling magaan ang araw-araw na biyahe ng publiko sa kabila ng umiiral na pandaigdigang krisis.










