TAAS PRESYO | Mga oil companies, pinagpapaliwanag sa basehan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo

Manila, Philippines – Pinagpapaliwanag ni House Committee on Energy Vice Chairman Carlos Roman Uybarreta ang mga oil companies tungkol sa pinagbatayan ng mga dagdag na singil sa fuel.

Giit ni Uybarreta, ang dagdag na P1.15 sa kada litro ng gasoline at P1.10 sa kada litro naman ng diesel ang pinakamataas na price adjustment sa langis mula noong Pebrero.

Nais malaman ng kongresista kung gaano kalaki ang bahagi ng dagdag na singil mula sa epekto ng TRAIN law at ilang porsyento naman na dagdag sa singil ng mga oil products ang sanhi ng paggalaw ng presyo sa world market.


Sinabi nito na masyadong sensitibo ang mga Pilipino sa paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo na maaaring makaapekto sa mga motorista at mga commuters.

Dahil dito, kailangan aniya na bago magkaroon ng paggalaw sa presyo ng langis ay dapat na ipaliwanag at ipaunawa ito sa publiko para hindi naman nabibigla.

Dagdag pa nito, maliban sa pagpapaliwanag ng dahilan ng oil price hike, hiniling ng kongresista na idaan din ito sa auditing ng Department of Energy.

Facebook Comments