Taas-presyo sa basic goods at prime commodities, hindi pa aasahan sa ngayon – DTI

Hindi pa dapat maramdaman sa ngayon ang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin.

Ito ang sinabi ni Trade Asec. Ann Claire Cabochan kasunod ng ulat na may ilang basic goods at prime commodities na ang nagtaas ng presyo dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Asec. Cabochan na nakipagpulong sila kamakailan sa mga manufacturer at retailers at nabatid na mayroon naman silang imbentaryo o stock ng raw materials at finished products bago pa man sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.


Aniya, dahil may imbentaryo pa ang mga ito ay hindi dapat gumalaw agad ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kasunod nito, sinabi ng opisyal na pinag aaralan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang posibleng taas-presyo sa mga basic goods at prime commodities.

Paliwanag nito, aalamin muna nila ang epekto saka magpatupad ng price adjustment.

Sa katunayan, hindi naman aniya lahat ay humihirit ng taas-presyo.

May iilan lamang manufacturers ang dumadaing ng price adjustment tulad ng processed milk, meatloaf at canned beef pero kanila muna itong masusing pag-aaralan.

Facebook Comments