Dumipensa si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez kung bakit ilang kumpanya pa rin ang nagpatupad ng taas-presyo sa ilang produkto kahit nasa harap ng pandemya ang bansa.
Kasabay rin ito ng pagkwestiyon ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas kung saan aabot sa P2 ang itinaas ng ilang produkto.
Paliwanag ni Lopez, karamihan sa mga kumpanya ay September 2019 pa naghain ng application para sa price increase ngunit dahil naabutan ng pandemya at price freeze ay hindi na naipatupad.
Iginiit naman ng kalihim na 37% lang sa kabuuang produkto na kabilang sa standard retail price (SRP) list ang mayroong pagtaas sa presyo.
Sa ngayon, pagtitiyak ni Lopez na nagsagawa na ng double checking ang ahensya sa halaga ng raw materials upang malaman kung makatwiran ang hinihinging price increase ng mga kumpanya.