Magsisimula na sa Nobyembre 19, 2025 ang pagpapatupad ng bagong minimum wage sa Rehiyon I (Ilocos Region), alinsunod sa Wage Order No. RB 1-24 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Sa ilalim ng naturang kautusan, tataas ng ₱37 hanggang ₱45 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, depende sa uri ng industriya at laki ng establisimyento.
Kasabay nito, itinakda rin ang bagong buwanang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon sa ₱6,700, bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa mga sambahayan.
Layunin ng pagtaas na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mapanatili ang disenteng antas ng pamumuhay ng mga manggagawa sa Ilocos Region.
Kaugnay nito, hinikayat ng RTWPB ang mga employer na sumunod sa bagong wage orders.









