Cauayan City – Siniguro ng hanay ng Tactical Operations Group 2 Valley Air Warriors ang kanilang gagawing pag-alalay sa panahon ng undas ngayong taon.
Sa naganap na ika-99 na Usapang Pangkapayapaan Usapang Pangkaunlaran, ibinahagi ni Deputy Group Commander, TOG2, Lieutenant Colonel Ramdel Velasco na mayroong direktiba mula sa kanilang headquarters kaugnay sa gagawing deployment ng kanilang mga personnel sa iba’t-ibang lugar upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ngayong undas.
Aniya, isandaang porsyento ng kasundaluhan ng TOG2 ay nasa TOG2 Headquarters upang gampanan hindi lamang ang kanilang responsibilidad pagdating sa Civil Military Operations kundi maging ang kanilang social responsibility sa pagbibigay serbisyo sa publiko.
Aniya, maliban sa Undas, isa rin sa kanilang pinaghahandaan ay ang pagbibigay alalay sa mga naapektuhan ng nakaraang bagyo at ang posibleng maapektuhan ng bagyong Leon kaya naman sinisiguro nito na 100% ng oras ng TOG2 Valley Warriors ay kanilang ibibigay sa pagseserbisyo.
Sinabi rin nito na hindi lamang lungsod ng Cauayan ang kanilang tututukan kundi lahat ng mga lugar na sakop ng kanilang Area of Responsibility.