Tinanghal na Over-All Champion ang taekwondo team mula sa lalawigan ng Maguindanao na lumahok sa katatapos lamang na Mindanao Taekwondo Championship na ginanap sa Amas, Kidapawan City noong Linggo, Agosto 28 kasabay ng pagdiriwang nito ng Kalivungan Festival.
Aabot 20 gold, 25 Silver at 32 Bronze medals ang nasungkit ng kanilang mga manlalaro sa ginanap na isang araw na torneo na nilahukan ng tinatayang nasa 400 mga players mula sa ibat-ibang rehiyon ng Mindanao.
Tinanghal namang 1st runner up ang mga manlalaro mula sa Region 11.
Ayon kay Heart of the Champion Head Coach Byron Betita na hindi nasayang ang kanilang pagsisikap sa training dahil halos lahat ng kanilang players ay nakasungkit ng medalya na naging daan din para tanghalin silang over-all champion.
Sinabi pa ni Betita na tatlo din sa kanyang mga manlalaro ang tinanghal best players makaraang manalo ng ibat-ibang medalya sa larangan ng Kyurogi, individual at Mix Poonsae.
Kanya itong kinilala na sina Sidh Luther Mamasabulod para sa Elementary Boys, Raisa Estoce sa Elementary Girls at Rowaida Kamad, Secondary Girls.
Ang kanilang delegasyon ay binubuo ng ibat-ibang chapters ng Heart of the Champion Gym mula sa mga bayan ng Datu Odin Sinsuat, Upi at Parang sa Maguindanao at Cotabato City.
Kanya namang pinasalamatan ang mga magulang ng kanyang mga manlalaro sa walang sawang pagsuporta sa kanilang mga anak sa larangan ng Martial Arts.
Taekwondo team mula sa Maguindanao tinanghal na Over-all Champion sa katatapos na Mindanao Taekwondo Championship
Facebook Comments