Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) na na hulihin ang mga indibidwal na nagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccines.
Ayon kay DILG Officer-in-Charge at Undersecretary Bernardo Florece, Jr. dapat maging alerto ang mga otoridad dahil posibleng kumalat sa merkado ang mga bogus na bakuna sa sandaling dumating na sa bansa ang COVID-19 vaccines mula sa WHO COVAX facility.
Ginawa ni Florece ang pahayag matapos na mismong si Pasig City Mayor Vico Sotto ang nakadiskubre ng mga pekeng bakuna at nagbabala ito sa publiko na huwag itong tangkilikin.
Tinagubilinan ng DILG ang PNP na doblehin ang pagsisikap na hindi makakalusot sa merkado ang mga bogus Coronavirus vaccines at maibenta sa walang kamalay-malay na publiko.
Binigyan-diin ni Florece na dapat pagbutihin ang pagtutulungan ng PNP at mga Local Government Unit (LGU) sa pag-secure ng mga bakuna at kumpiskahin ang mga pekeng bakuna at parusahan ang mga sangkot dito.