Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Taguig na wala pang naitatalang kaso ng bagong subvariants ng COVID-19 sa lungsod sa kabila ng tumataas na bilang nito sa bansa.
Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, babantayang mabuti ng LGU ang sitwasyon at tututukan ang Omicron subvariants na BA.4 at BA.5 sa tulong ng mahuhusay na health experts.
Aminado rin si Cayetano na bagama’t na sa low risk ang Taguig sa COVID-19 cases ay mababa pa rin ang bilang ng mga nagpapaturok ng booster dose.
Sa tala ng Taguig City government, 34% pa lamang ng target ang nabigyan ng first booster habang 2% sa second booster.
Noong nakaraang linggo ay umabot sa 856,366 individuals ang fully vaccinated o nakatanggap ng primary doses ng bakuna laban sa virus na katumbas ng 97%.
Gayunman, ibinida ng alkalde na naitala sa lungsod ang isa sa pinakamababang fatality rate at pinakamataas na recovery rate sa Metro Manila.