Namahagi ng bisikleta ang pamahalaang lokal ng lungsod ng Taguig sa mga miyembro ng Traffic Management Office (TMO) ngayong araw.
Ayon kay Mayor Lino Cayetano, umabot na ng 371 na bisikleta ang nabigay sa mga TMO enforcers at health workers ng lungsod.
Aniya, ang nasabing programa ay bahagi ng Taguig City Bike Immersion Program, ang isa sa limang plano sa ilalim ng Active Transport Plan na itinatag noong Hulyo 29, 2020.
Sa pamamagitan ng programang ito, madadagdagan ang mga kawani sa kalsada na tiyak na makatutulong sa mga siklista, pedestrian, at mga mamamayang gumagamit ng non-motorized na transportasyon.
Naglagay rin ng bike racks ang TMO kung saan maaaring ilagay nang maayos ang kanilang bisikleta tuwing hindi ito ginagamit.
Matatandaan, noong Hunyo 1, 2020, ipinatupad ng lungsod ang “Bike-Friendly Taguig Ordinance,” upang ipaalam na ang bisikleta ay isang mahalagang paraan ng transportasyon at makabuluhang hakbang sa mas malaking agenda tungo sa pagpapanatili ng malusog na pamumuhay.