Taguig City LGU, nagbabala sa mga establisyemento na lumalabag sa health protocols kasabay ng pagluluwag sa panuntunan

Muling nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa mga may-ari ng establisyemento sa lungsod na umaabuso at lumalabag sa health protocols ng Inter-Agency Task Force o IATF kasabay ng pagluluwag sa panuntunan.

Kaugnay nito, bubusisiin ng Taguig Local Government Unit (LGU) ang CCTVs, audit costumers log ng vaccine cards nito at ang mga reklamo sa social media ng netizens hinggil sa mga naging paglabag sa protocols.

Sinabi ni Taguig City Mayor Lino Cayetano na kanilang papanagutin ang sinumang mapatunayan na inabuso ang pagluluwag ng ekonomiya at kanilang isusumite sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Tourism (DOT), IATF at iba pang ahensya ang kanilang findings.


Paalala ng alkalde sa mga bar at mga restaurant na sundin ang implementasyon ng minimum health standards kasabay ng pagpapatupad ng Alert Level 2 sa Metro Manila.

Gayundin, dapat aniyang sundin ang kapasidad na maari lamang pumasok sa establisyemento, i-check ang vaccination card ng mga costumer, at tiyakin na laging nakasuot ng facemask ang mga costumer kapag wala sa kanilang mga mesa at laging ipatupad ang social distancing.

Facebook Comments