Kaninang alas-2:00 ng hapon ay nakapagtala ang Taguig City ng unhealthy o delikado sa kalusugan na Air Quality Index.
Natukoy na pangunahing pollutant nito ay ang surface ozone.
Nabubuo ito kapag ang polusyong nagmumula sa mga sasakyan, pabrika, planta at iba pang pwedeng pagmulan ng “oxides of nitrogen at “volatile organic compounds” ay nag-react sa init at sikat ng araw.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Taguig, naging mainit ang ating panahon ngayong araw kaya nakapagtala tayo ng mataas na lebel ng surface ozone.
Dahil dito ay pinapayuhan ng Taguig LGU ang lahat lalo na ang mga mahihina o ‘di kaya’y may sakit sa baga at puso na huwag na munang lumabas ng bahay sapagkat ang Air Quality Index ay nasa unhealthy na kategorya.
Kung lalabas ng bahay, dapat ay magsuot ng naaangkop na face mask para maproteksyunan ang sarili hindi lamang sa polusyon kundi sa COVID-19 din.