Umapela si dating House Speaker at Taguig-Pateros Represenative Alan Peter Cayetano sa mga kapwa mambabatas sa Kamara na magtulong-tulong para maipasa na ang panukalang batas na magbibigay ng P10,000 sa bawat pamilya na apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Cayetano na handa siya at kanyang mga kaalyado na makipagtulungan, hindi lang sa House Majority, kundi maging sa economic team ng Malacañang upang mahanapan ng pondo ang House Bill 8597 o Bangon Pamilyang Pilipino Assistance Program.
February 01, 2021 nang inihain ni Cayetano at kanyang mga kaalyado ang nasabing panukalang batas na magbibigay ng P10,000 sa bawat pamilya o P1,500 sa bawat miyembro ng pamilya na apektado ng COVID-19 pandemic upang makatulong sa kanilang mga pangangailangan.
Pero napansin ni Cayetano na hindi ito pinaprayoridad ng Kamara dahil napapasukan ng usaping politika ang Kongreso tulad ng Charter Change.
Nabatid na noong Bayanihan 1 kung saan si Cayetano ang House Speaker ay agad niyang binuo ang Committee of the Whole upang maiwasan ang delay sa pagpasa ng House Bill 8597.
Noong Bayanihan 2 ay ginamit din ng grupo ng mambabatas ang Defeat COVID Committee para mapabilis ang proseso sa pagpasa nito.