Tinatayang aabot sa 40,000 na manggagawang Filipino ang mabibigyan ng pagkakataon upang magkaroon ng trabaho sa Taiwan.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, inalis na ng Taiwan government ang suspensiyon sa pagpapapasok ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at sisimulan na sa Pebrero 15 ang pagtanggap ng mga manggagawang Filipino.
Kinakailangan lamang ang mahigpit na pagsunod ng mga dayuhang manggagawa sa pina-iiral na guidelines ng Central Epidemic Center ng Taiwan kaugnay sa COVID-19.
Bago makapasok sa Taiwan ang mga OFW dapat ay fully vaccinated na sila laban sa nasabing sakit.
Kaugnay nito, obligasyon ng employer na ipa-check in sa hotel ang paparating na trabahador upang sumailalim sa loob ng 14 na araw, at matapos an quarantine ay kailangang manatili sa naturang hotel ang OFW sa loob ng pitong araw upang makatiyak na malusog at ligtas sa COVID-19 ang bago magtungo sa papasukan niyang trabaho.
Nagbabala naman ang Epidemic Center ng Taiwan na kapag hindi sumunod sa panuntunan at iba pang guidelines ang employer, nangangahulugan ito nang paglabag sa “Employment Service Law” at sila ay matatanggalan ng employment permit.