TAKOT? | Mga kongresista, nababahala sa pagkaka-apruba sa bagong electric company sa Iloilo City

Pinangangambahan ng ilang mga mambabatas na masisi ang Kamara sa pagkakaapruba sa pagbibigay ng legislative franchise sa bagong electric company na More Minerals Corp. (MMC) sa Iloilo City.

Sa pagkakapasa sa pagbibigay ng prangkisa sa MMC na may apat lamang na negative votes, sinabi ni COOP NATCCO Partylist Representative Anthony Bravo na wala man lamang nalalaman dito ang mga residente dahil walang konsultasyon na ginawa para sa bagong kumpanya.

Hindi aniya batid ng mga consumers ng ipinalit sa Panay Electric Company kung ano ang naghihintay sa mga ito partikular na sa kanilang energy situation sa oras na mag-take over na ang MMC sa PECO.


Pinuna naman ni ASENSO Partylist Representative Teodoro Montoro na walang karanasan sa electricity distribution ang MMC dahil ito ay isang mining company.

Ikinakapangamba din ang power interruption sa oras na sumailalim na sa transition period.

Dahil dito, nababahala ang mga kongresista sa mga problemang pwedeng danasin ng mga taga Iloilo at baka sa huli ay sisihin ang Kamara sa ginawang pag-apruba sa legislative franchise.

Samantala, itinanggi naman ni ERC Chair Agnes Devanadera na walang parusang ipinataw sa PECO dahil wala naman itong paglabag taliwas sa kumalat na balita na may iregularidad sa PECO at pinare-refund sa mga consumers ang nasa P631 Million na overbilling charge.

Facebook Comments