Takot sa COVID, nilabanan ni Bossing Vic para ikampanya ang Lacson-Sotto tandem

Sa kauna-unahang pagkakataon simula nang mag-umpisa ang pandemya, lumabas ng kanyang tahanan si Vic ‘Bossing’ Sotto upang ipakita ang buo niyang pagsuporta sa tambalan nina Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at Senate President Vicente ‘Sotto’ III.

Dumalo ang actor-host na kapatid ng vice presidential candidate, sa Lacson-Sotto proclamation rally sa Imus, Cavite noong Pebrero 8 at gayundin sa kanilang pangangampanya sa mga taga-Quezon City sa kasunod na araw.

Naging pagkakataon ito ng nakababatang Sotto para ilahad ang mabubuting katangian ng kanyang utol at ng idol niyang si Lacson na dapat taglay ng sinumang nagnanais na mahalal sa unang araw ng kampanya—ang pagiging tapat sa tungkulin at galit sa katiwalian.


“Siyempre, ang iboboto natin ay walang iba kundi ang aking hinahangaang senador, Senador Ping Lacson! Ako ay hanga sa katapatan nitong taong ito—katapatan sa pagbibigay ng serbisyo publiko. Nakita natin ‘yan sa record niya,” aniya.

“Pagdating naman sa katapangan, hindi mo matatawaran e Caviteño. Katapangan para labanan ang mga tiwali sa gobyerno, para labanan ang korapsyon sa gobyerno!” sabi pa ng host ng sikat na noontime show sa mga kababayan ni Lacson.

“At siyempre pa, sa pagka-bise presidente e alam niyo na—ako ang iboto ninyo! Hindi, nadulas lang, magkamukha naman tayo e. Siyempre, ang aking mahal na kuya na lamang lang ng isang paligo sa akin pagdating sa kapogian—Senate President Tito Sotto,” dagdag niya.

Inendorso rin ni Vic ang mga senatorial candidate ng Partido Reporma na sina Dra. Minguita Padilla, retired Gen. Guillermo Eleazar, at dating Makati Congressman Monsour del Rosario. Gayundin ang mga guest candidate na sina dating Agriculture Secretary Manny Piñol at dating Senador JV Ejercito.

“Ang aking kapatid at ang mga senador na nasa harap ninyo, sila po ang makakatulong ng ating Pangulong Ping para ayusin ang gobyerno, para ayusin ang buhay nating lahat. Maraming salamat!” saad ni Vic.

“Sila ang tunay nating mapagkakatiwalaan ng ating kinabukasan, sila ang aayos ng ating gobyerno, sila rin ang aayos ng ating buhay,” giit ni Vic.

Ito ang unang pagkakataon na magpakita sa publiko ang 67-anyos na si Vic dahil sa pag-iingat niya laban sa banta ng COVID-19. Lahat ng kanyang mga engagement tulad ng shooting at hosting ay isinasagawa sa kanyang tahanan.

Ngunit para sa kanyang kapatid, at sa paniniwala na ang team Lacson-Sotto ang may kakayahang mamuno sa bansa, hindi niya inalintana ang pandemya at personal na nagpakita ng kanyang suporta.

Naniniwala siya na kayang makamit ng Lacson-Sotto tandem ang layunin nilang “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.”

Facebook Comments