Tiwala si Valenzuela 1st District Representative Rex Gatchalian na sa pagsasabatas ng SIM Registration Act ay matutuldukan na ang mapanlinlang at kasuklam-suklam na digital activities.
Diin ni Gatchalian, mayroon na ngayong sapat na armas ang pamahalaan para tugisin ang mga sangkot sa iligal na aktibidad gamit ang communication devices.
Para naman kay ACT-CIS Party-list Rep. Jocelyn Tulfo, napapanahon ang SIM Card Registration Law sa gitna ng technological advances at mas pinadaling access sa impormasyon.
Positibo naman si Pwersa ng Bayaning Atleta o PBA Party-list Rep. Margarita “Migs” Nograles na tuluyan nang mahihinto ang paglaganap ng text spams at scams.
Kaugnay nito ay pinayuhan naman ni Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo, ang publiko na tanging sa totoong mga telecommunication company lamang magparehistro ng kanilang SIM cards at hindi sa mga poser o scammer.
Iginiit din ni Tulfo sa National Telecommunications Commission (NTC) at Department of Information and Communication Technology (DICT) na tiyaking maikakalat sa publiko ang tamang impormasyon at proseso kaugnay sa implementasyon ng batas.