Talumpati ni PBBM sa partisipasyon sa UNGA sa Amerika, sesentro sa pagbangon ng ekonomiya

Biyaheng Amerika si Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa susunod na linggo para sa United Nations General Assembly (UNGA).

Sa pre-departure briefing ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa September 18 ay bibiyahe ang pangulo at babalik ito sa Pilipinas sa September 24.

Ayon kay DFA Asec. Jose Victor Chan Gonzaga, ang talumpati ng pangulo sa UNGA ay gaganapin sa September 20 na sesentro sa pagbangon ng ekonomiya.


Mahigpit aniya ang utos ng pangulo na sa gagawing pakikipagpulong niya sa kapwa lider o US corporations, kailangang tumutok sa paghahanap ng kailangang partnerships na magbi-benepisyo sa ekonomiya ng Pilipinas.

Kaya ayon kay Gonzaga na bukod sa magiging talumpati ng pangulo sa UNGA, dadalo rin ito sa Philippine Economic briefing kung saan inaasahang makakahikayat ito ng mga mamumuhunan, senior corporate executives, business analysts at academics gayundin ng mga entrepreneur.

Sa forum na ito ay mabibigyan ng pagkakataon ang pangulo na ilatag ang kaniyang economic priorities lalo na kung paano pa mapalalawak ang Philippine-US trade and investment relations.

Makikiisa rin si Pangulong Marcos Jr., sa CEO roundtables sa mga targeted na sektor kung saan nakadisenyo na maipakilala nito ang Pilipinas bilang isang mahalagang sumisiglang ekonomiya at investment destination sa Asya.

Samantala, magkakaroon din ng one-on-one business meeting ang pangulo na sesentro naman sa priority areas para sa quick post pandemic economic recovery kasama ang mga kompanya sa Amerika na makapag-aambag sa food security, energy security at sustainable economic development ng bansa.

Inasahan ding makikipagpulong ang pangulo sa US Chamber of Commerce, US-ASEAN Business Council, at US-Philippines Society na naglalayong palakasin at patatagin pa ang relasyong political, economic at kultural ng dalawang bansa.

Facebook Comments