Tamang installation at maintenance ng mga linya ng kuryente at komunikasyon, pasado na sa plenaryo ng Kamara

Nakalusot na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ang panukala na titiyak sa tamang installation at maintenance ng mga electric at communication lines.

Sa botong 199 na pabor at wala namang pagtutol ay nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8202 kung saan ginagawang mandatory sa mga kumpanya ang pag-iinspeksyon ng mga linya ng kuryente at komunikasyon bilang safety measures laban sa kalamidad.

Binibigyang mandato ng panukalang batas ang mga electric distribution, cable at telecommunications companies na siguruhin ang kaligtasan ng publiko gayundin ay pinaghahanda ng contingencies ang mga ito para sa lahat ng kalamidad o anumang “unforseen events” na makakapagdulot ng panganib, makakasakit o makakasira ng pag-aari.


Binibigyang direktiba ang mga Local Government Units (LGUs) na tiyaking ang bawat electric distributor, cable at telcos na sakop sa kanilang territorial jurisdiction ay nakasusunod sa standards at regulasyon ng Philippine Electrical Code.

Oobligahin na rin ang mga kumpanya na kumuha ng Certificate of Public Safety Compliance (CPSC) mula sa LGU tuwing mag-rerenew ng operasyon sa kada limang taon.

Facebook Comments