Cauayan City – Sagrado at banal ang pagdaraos ng Misa De Gallo o Simbang Gabi tuwing panahon ng kapaskuhan kaya naman mahigpit na pinapaalala sa mga dumadalo ang pagsusuot ng angkop na kasuotan tuwing bibisita sa simbahan.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay POSD Chief Pilarito Malillin, sinabi nito na ilan lamang sa nakikita nilang problema tuwing simbang gabi ay ang ilang mga hindi sumusunod sa angkop na pananamit na dapat isuot sa loob ng simbahan.
Aniya, anumang kasarian ay nararapat na sumunod sa naaayong damit dahil base sa kanilang obserbasyon, may ilang mga dumadalo na nagsusuot ng damit na halos kita na ang mga pribadong bahagi ng kanilang katawan.
Ayon kay Chief Malillin, sa mga susunod na pagdaraos ng Simbang Gabi ay titiyakin nilang hindi na papapasukin sa loob ng simbahan ang mga dadalo na nakabihis sa hindi angkop na kasuotan.
Paalala ng hanay ng POSD, ang pagdalo sa Simbang Gabi ay pagpapakita ng pagrespeto, pananampalataya, at pagmamahal sa Poong Maykapal kaya naman dapat lamang na sumunod ang lahat sa umiiral na panuntunan sa loob ng Simbahan.