Tamang nutrisyon ng mga PWD, tinalakay ng NNC

Sumentro sa nutrisyon ng mga may kapansanan o Persons with Disability (PWD) ang episode 17 ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ng National Nutrition Council.

Kasama ang mga host na sina Zhander Cayabyab at Ms. Jovie Raval ng NNC ay tinalakay ng guest expert na si Mr. Randy Calseña, Regional Programs Coordinator ng National Council on Disability Affairs (NCDA) kung paano maiiwasan ang malnutrisyon at nutrisyong dapat para sa mga PWD.

Ang NCDA ay monitoring bodies sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development na nagtitiyak na naipapatupad ang mga batas para sa ating mga kababayan na may kapansanan.


Ayon kay Calseña, marami sa ating PWDs ang hindi nakakakuha ng tamang nutrisyon na kinakailangan ng kanilang katawan dahil sa kanilang kapansanan o physical disability.

Ilan sa mga ito aniya ay ang kawalan sa physical activity ng mga PWD dahil sa kanilang kapansanan kaya hindi nadudurog ang kanilang enerhiya sa katawan na posibleng humantong sa malnutrisyon tulad ng over weight o obese.

May ilang PWDs din aniya ang nangangailangan ng special diet dahil ang iba ay nahihirapan na ngumuya o lumunok ng pagkain.

Sinabi pa ni Calseña na ang ilan naman ay hindi nirerekomenda ang pagkain ng matatamis na pagkain tulad ng chocolate dahil posibleng makaapekto ito sa kanilang karamdaman gaya ng pagiging hyper ng mga may autism.

Kaya payo ni Calseña, upang maging malusog, mahalaga na may access sa tamang impormasyon ang PWDs, pamilya at mga kaanak ng mga ito.

Dapat aniya na malaman ng pamilya kung anong klaseng disability mayroon ang kanilang kaanak upang malaman din nila ang tama at mga dapat na nutrisyon na ibibigay sa mga PWD.

Facebook Comments