Tamang Paggamit sa Calamity Fund, Nilinaw ni Atty. Paul Mauricio-Cauayan City!

*Cauayan City, Isabela- *Nilinaw ni Atty. Paul Mauricio, ang City Legal Officer ng Lungsod ng Cauayan na maaari na umanong gamitin ang limang porsiyento ng calamity fund ng isang barangay lalo na kung malubha itong naapektuhan ng bagyo o idineklarang State of Calamity.

Aniya, otomatiko na umanong gamitin ang calamity fund ng isang lugar kung isinailalim na ito sa state of calamity o kung matinding naapektuhan ng bagyo.

Batay kasi sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan ay marami umano sa mga barangay officials ang hindi marunong pangasiwaan ang kanilang pondo sa tuwing may kalamidad.


Ayon pa kay Atty. Mauricio kailangan pa rin umanong mabigyan ng tulong at suporta ang mga mamamayan na naapektuhan ng bagyo.

Nilinaw pa ni Atty. Mauricio na ang mga relief goods, mga gamit sa paghahanda at clearing operations sa paghagupit ng bagyo ay kinukuha umano sa inilaang pondo ng Disaster Risk Reduction and Management Council.

Samantala, Malaki naman ang pasasalamat ni Atty. Mauricio sa lahat ng mga nakiisa at tumulong sa paghahanda sa pagdating at pananalasa ni bagyong Ompong dito sa lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments