Tambak na solar project applications, pinapa-aksyunan ni Senator Gatchalian sa DOE

Kinalampag ni Committee on Energy Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) para aksyunan na ang mga nakabinbin na mga solar project application.

Giit ni Gatchalian, walang dahilan para mabinbin ang mga aplikasyon dahil noong nakaraang taon ay ipinasa na ang Energy Virtual One-Stop Shop o EVOSS Act kung saan pwede nang magsumite online ng mga aplikasyon para sa permits at certifications ng mga nagbabalak na magtayo ng mga proyektong may kinalaman sa enerhiya.

Tiwala si Gatchalian na pagdating ng panahon ay maibababa ng naturang batas ang singil sa kuryente.


Paliwanag ni Gatchalian, kung wala ng red tape at mas madali na ang proseso ng aplikasyon para sa ganitong mga proyekto ay mahihikayat ang maraming mamumuhunan sa bansa at gaganda ang kumpetisyon sa industriya.

Ang pagdagsa ng mga solar project applications ay kasunod ng planong pagpapatupad ng polisiyang Renewable Portfolio Standards o RPS para sa susunod na taon.

Sa ilalim mg RPS, minamandato na sa electricity suppliers na kumuha ng ilang bahagi ng kanilang isu-suplay na enerhiya mula sa mga Renewable Energy o RE resources.

Facebook Comments