Bahagyang nagkaroon ng tensyon sa harap ng tanggapan ng Department Of Education sa Pasig City nang piliting pumasok ng mga nagkilos protesta sa loob nito.
Nauna dito, kinokondena ng grupong save our school network ang naging desisyon ni Education Secretary Leonor Briones na ipasara ang 55 na eskwelahan ng mga lumad sa Southern Mindanao.
Ito’y matapos na makatanggap ng affidavit si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., mula sa isang dating estudyante na di umano’y puro panig sa New People’s Army (NPA) ang tinuturo sa kanila.
Ayon sa grupo, hindi makatarungan ang naging desisyon ni Briones lalo na’t wala silang matibay na ebidensiya na taliwas sa pamahalaan ang itinuturo sa nasabing mga paaralan.
Karapatan din daw ng mga kabataang lumad na makapag-aral at dahil dito, mismong ang DepEd pa daw ang tila pumuputol sa layunin nito na bigyan kaalaman at pag-aralin ang lahat ng bawat pilipino.
Bukod dito, hiling din nila sa pamahaalaan na tanggalin na ang militarisasyon sa ilang lugar sa mindanao dahil nagdudulot lang ito ng takot.
Hindi naman nakapasok ang nasabing gruopo sa loob ng DepEd at matapos ang maikli nilang programa ay agad din silang umalis.