Manila, Philippines – Kinalampag ng mga pamilyang benipisyaryo ng pabahay ng National Housing Authority ang kanilang tanggapan sa Quezon City.
Nais ng grupong Alliance of Peoples Organization na iparating sa mga opisyal ng NHA na madaliin na ang pagpapagawa ng Low Rise Buildings sa Brgy. Sta. Lucia Pasig City.
Ayon kay Alliance of Peoples Organization Secretary General Jenelyn David dismayado sila dahil sa labing limang Low Rise Buildings, dalawa pa lamang ang nakumpleto na at nalipatan na umano ng may 120 pamilya habang ang labing tatlo ay finishing na lamang pero nabibitin pa at pinangangambahan ng grupo na baka matuloy ang paggiba sa mga bahay ng mga Informal Settlers sa Flood Way Manggahan Area kung saan aabot sa pitong daang pamilya ang lubhang naapektuhan dito.
Paliwanag ni David nabigyan na umano sila ng Notice for Eviction na mapapaso ngayong buwan ng Hulyo kaya naman umapila sila sa pamunuan ng NHA na pabilisin ang kanilang aksyon para makalipat na sa Low Rise Buildings ang naturang mga pamilya.
Giit ng grupo dapat ayusin ng mga kontrator ang dalawang natapos na Low Rise Buildings dahil ang mga Unit umano nito ay tumutulo ang kisame at mayroong problema na sa baradong Comfort Room o palikuran.